Kung pwede ko lang ikumpara ang bawat saglit sa mga bituin na nakasabit sa alapaap.
Maliit, luma ngunit makinang. Kinang na umaabot ng ilang libong taon. Nauna pa satin, mas magtatagal pa sa atin.
Bigyan mo ako ng isanglibong, limangdaan at limampung papel para lang maiukit ko ang bawat anatomiya ng ngiti mo.
Hindi sapat ang isang araw, isang linggo, isang buwan, isang taon para mabahid ang bawat pag-asam ko sa kwento mo tungkol sa jeep na nasakyan mo, sa pagkaing nakain mo at daloy ng araw mo.
Kung pwede ko lang pagkabitin ang siyudad mo sa siyudad ko, kung pwede ko lang pigilan ang oras para dayuhin ka, hagkan, halikan at aalis ng di mo nalalaman. Kontento na sa pigil na oras na akin ka lang at wala ng iba.
Kung pwede ko lang sabihin sa buong mundo na akin ka. Bawal ka mawala.
Dahil iniipit mo ang puso ko paunti-unti hanggang sa di na ako makakilos. Akala ko malaya ako, pero nakakabit ako sa tadyang mo, di maaring umalis at kung sakaling pipiliin mong pakawalan ako.
Dudugo ako.
Nagmamakaawa ako, lubusin mo ako.
Sa tipong di ko na makakalimutan kahit may susunod pa.
Bawat litid, kamay, labi inaasam na makilala ka.
Wag tayong mapagod alamin ang isa’t isa.
Di ko alam kung hanggang kelan pa, maari bang lubusin mo pa?
Iiyak ako sa mga panahon na tumitigil ang oras at wala ka. Parang kamay ng kamatayan, nang-uubos ng bawat sandali na pwede ka sanang makasama. Asan ka? Hanapin mo ako. Hihintayin kita.
Wag ka sanang matakot na hanapin ako, dahil kahit sa mga lumang katawan bagong bago ang isip, ang diwa ko.
Parang batang paikot ikot sa isla, hungos sa bawat padyak ng paa sa buhangin, sabik sa tubig na papatong sa katawan matapos ng mahabang paglalakabay.
Lulusob at aahon, papanariwain.